Posibleng paglabag sa SOP tinitingnan ng militar ukol sa Samar 'misencounter'

Jenette Ruedas, ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2018 05:38 PM

May nakikitang posibleng paglabag sa standard operating procedure (SOP) ang Board of Inquiry (BOI) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ukol sa nangyaring 'misencounter' sa gitna ng pulisya at militar sa Sta. Rita, Samar na ikinasawi ng anim na pulis kamakailan.

Hindi pa tiyak kung kaninong panig nagmula ang posibleng paglabag, ayon kay Lt. Gen. Rafael Valencia, chairman ng BOI.

"Yeah, oo. Hindi maliwanag sa both sides pero 'yun nga ang tinitingnan, titingnan natin 'yun, we will look at it closely," aniya. 

Dagdag niya, magkakaroon ng deliberasyon ang BOI sa Lunes kasama ang Philippine National Police (PNP) ukol sa ginagawang imbestigasyon.

Sa Miyerkoles naman inaasahang ilalabas ang report ng BOI.

"So mahirap pangunahan but, may coordination, but how it was done, 'yun ang dapat malaman," ani Valencia.

Naglabas na rin ng opisyal na letter of apology ang AFP.

"The 8th Infantry (Stormtroopers) Division, Philippine Army, wants to convey our sincerest apology to the families, relatives, and friends of the six fallen members of the 1st Platoon, 805th Company, Regional Mobile Force Battalion 8 of the Philippine National Police," anila.

Dagdag nila, makikipagtulungan ang 8th Infantry Division sa imbestigasyon ng BOI.

"We will be objective and transparent to shed light on the incident and will make appropriate actions thereafter to those who will be proven to have committed any lapses or violated established rules and regulations."

Anim na pulis ang namatay at siyam na iba pa ang nasugatan nang magkaputukan ang mga sundalo at miyembro ng PNP 805th Regional Mobile Force Battalion sa gitna ng patrolya sa Barangay Sta. Rosa, Villarreal, Samar nitong Lunes.

Ayon sa mga sundalo, inakala nilang mga miyembro ng rebeldeng New People's Army ang mga pulis dahil umano maputik ang mga ito at mahirap makilala. 

Sa mga larawan naman na kuha ng isang pulis bago ang bakbakan, kitang naka-uniporme at malinis ang mga tropa ng PNP. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.