Lalaki binaril ng pulis dahil sa away-trapiko sa Leyte

Geron Ponferrada, ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2018 10:26 PM

Patay ang isang lalaki matapos barilin ng isang pulis dahil umano sa away-trapiko sa Barangay Guindapunan, bayan ng Palo, Leyte nitong Sabado.

Tinamaan sa ulo si Kenneth Barbasa, 25, isang guro, matapos barilin ni PO3 Jeffy Parut.

Ayon kay Chief Insp. Joselito Villas, galing sa Tacloban ang biktima at suspek.

Nagmamaneho ng kotse si Barbasa habang nagmamaneho naman ng motorsiklo ang pulis na pareho patungo sa Palo proper.

Pagdating sa kahabaan ng national highway sa Barangay Guindapunan ay nabangga ng biktima ang likurang bahagi ng motorsiklo ng pulis.

Natumba ang motor sa gilid ng kalsada at nagtamo ng minor injury ang pulis at angkas nito.

Ayon kay Villas, agad nakatayo ang pulis at nilapitan ang biktima na nauwi sa sagutan.

Nagpakilala ang suspek na pulis siya at binalewala umano ito ng biktima at nagpatuloy sa pagmamaneho.

Base sa testimonya ng suspek, nang makita niyang paalis na ang biktima ay bumunot siya ng baril at pinaputukan ang kotse habang umaandar.

" 'Yun 'yung alegasyon ng suspek at tsaka minura siya tapos biglang iniwanan tumakbo so yung ano niya binunotan na niya . . . binaril," ani Villas.

Tumagos sa likurang bahagi ng windshield ang bala at tinamaan sa ulo ang biktima.

Agad sumuko ang pulis na ngayo'y nahaharap sa kasong murder.

Isinailalim sa autopsy ang bangkay ng biktima at ipinasuri rin ng pulisya ang biktima at suspek kung nasa impluwensya ng alak nang mangyari ang insidente.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang pulis na ngayon ay nakakulong sa Palo Police.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.