1 patay, 3 sugatan sa South Cotabato landslide

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2018 06:18 AM

Retrato kuha ng Polomolok Police Station

SOUTH COTABATO - Patay ang isang construction worker habang sugatan naman ang 3 niyang kasamahan sa pagguho ng lupa sa ginagawang kalsada sa Polomolok, South Cotabato Biyernes ng umaga.

Kinilala ang nasawi na si Melchor Onal na nabaon sa lupa ng higit isang oras.

Patuloy namang nagpapagamot sina Herminado Jesus, Luisito Llasis, at Michael Villaraza.

Kuwento ng residenteng si Allan Sampoling, narinig niyang humingi ng tulong ang mga biktima matapos gumuho ang lupa sa Barangay Maligo.

Kinailangan pa nilang gumamit ng backhoe bago mahukay ang katawan ni Onal. 

Ani Sampoling, tinamaan pa umano ng backhoe ang katawan ng biktima.

Tanggap ng pamilya ni Onal ang nangyari pero paiimbestigahan nila kung ano ang totoong sanhi ng pagkamatay ng biktima.

Ayon sa mga residente, higit 3 buwan na ang pag-aayos ng kalsada. Posible umanong dahil sa halos araw-araw na pag-ulan ang naging sanhi ng landslide.

Tiniyak naman ng construction company na magbibigay ito ng tulong pinansiyal sa mga biktima. - ulat ni Francis Canlas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.