Doktor, patay sa sunog sa Misamis Oriental

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2017 07:09 PM

MANTICAO, Misamis Oriental – Patay ang isang doktor makaraang hindi makalabas sa nasusunog nilang bahay sa Barangay Cabalantian dito Huwebes ng madaling araw.

Mga konkretong parte na lang ng bahay ng pamilya Abriol ang naiwan matapos ang sunog.
 
Nakilala ang nasawi na si Dr. Reynaldo Abriol na dating hepe ng Gingoog District Hospital at Malitbog District Hospital.
 
Hindi umano nakalabas sa kanyang kuwarto ang doktor.

Ayon sa caretaker ng pamilya Abriol, isang putok ang kanyang narinig bago niya nakita ang apoy na nagmumula sa kuwarto ng among doktor.
 
Kuwento ni Basilio Acot, natakot pa siya nang marinig ang putok. Pero nang makalapit siya sa kuwarto ng doktor, napansin niyang umaapoy ito kaya agad niya itong tinawag ng malakas para magising. 

Ilang beses niya rin itong tinawag pero hindi na ito sumagot hanggang sa lumaki na ang apoy.
 
Kalahati ng bahay ay gawa sa kahoy dahilan para mabilis na kumalat ang apoy.

Umabot sa second alarm ang sunog.
 
Ayon sa Bureau of Fire Protection, patuloy pa ang kanilang imbestigasyon sa sunog pero malaki daw ang posibilidad na kuryente ang dahilan nito. 

Nasunog din ang sasakyan ni Dr. Abriol.
 
Tinatayang aabot sa P1 milyon ang naging pinsala sa sunog.
 
Hinihintay naman ng pamilya Abriol na ma-autopsy ang bangkay ng doctor bago nila ito ibuburol.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.