Big-time pusher patay, 3 iba pang tulak timbog sa Davao

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2017 10:08 AM

DAVAO CITY - Patay ang isang pinaghihinalaang malaking supplier ng shabu sa barangay Sasa matapos umanong manlaban sa mga pulis na nagsagawa ng isang buy-bust operation sa loob ng isang hotel, Huwebes.

Nakuha mula sa suspek na si Lincoln Arnaiz Abdul ang iligal na drogang tinatayang may halagang P300,000, isang kalibre .45 na baril, at isang hand grenade.

Ayon sa mga pulis, nanggagaling pa sa Davao Del Norte at Compostela Valley ang supply ng droga na ibinibenta umano ni Abdul dito sa lungsod.

Samantala, ang mga pinaghihinalaang tulak ng droga na sina Jovita Ligisan, Bona San Pedro at Argie Auditor ay arestado sa magkakahiwalay na operasyon sa Ecoland at Matina.

Ayon sa mga awtoridad, nakuha mula sa mga suspek ang hindi bababa sa tatlumpot-tatlong sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P133,000.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.