Bata, patay nang mabaril ng 14 anyos na tiyo

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2017 01:23 PM | Updated as of Jul 01 2017 10:14 AM

NAGA, Cebu - Patay ang isang 11 anyos na batang babae matapos mabaril ng 14 anyos niyang tiyuhin na naglalaro ng baril noong Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa mga awtoridad, kumakain ng hapunan sa loob ng kanilang bahay ang biktimang si Maria Mae Durango habang naglalaro naman ng kalibre .38 na baril ang kanyang 'di pinangalanan na tiyo sa labas.

Base sa inisyal na imbestigasyon, agad na ikinamatay ni Durango ang tama ng bala na pumasok sa kaliwang bahagi ng kanyang noo at lumabas sa likod ng kanyang ulo.

Ayon kay Merlyn Durango, lola ng biktima, pagmamay-ari ng yumaong tatay ng biktima ang baril. 

"Hindi sana iyon nangyari, ang mamatay. Hindi kasi dapat nilalaro ang baril," ayon kay Merlyn.

Batay sa imbestigasyon ng pulis, inutusan ni Rowilyn Durango, nanay ng biktima, ang menor de edad na suspek na tanggalin ang lahat ng mga bala mula sa baril. 

Hindi namalayan ng binatilyo na may isa pang balang natira sa loob ng baril.

Inilagay na sa ilalim ng kustodiya ng City Social Welfare Office ang 14 anyos na suspek.

Ayon sa social worker, hindi muna ibabalik sa ina at lola ang bata. Ipapasok siya sa isang pasilidad para sa mga 'children in conflict with the law'.

Inaalam pa rin kung lisensiyado ang baril na hawak noon ng ina bilang pandepensa. 

-- Ulat ni Annie Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.