Naghahanda ang isang hog raiser para paliguan ang kaniyang mga alagang baboy nitong Setyembre 16, 2019 sa Malolos, Bulacan. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/file
Bumaba na ang mga binabantayang lugar dahil sa banta ng African swine fever (ASF), ayon sa Bureau of Animal Industry.
Mula sa 61 barangay na under surveillance, nasa 36 barangay na lang ito ngayon, ayon kay Dr. Reildrin Morales.
Naghihintay na ang Department of Agriculture (DA) para sa bakuna kontra ASF na posibleng gamitin sa bansa.
“Kapag maganda ang resulta ng testing ng bakuna, this will be one of those we will highly recommend for President [Ferdinand Marcos Jr.] to subsidize,” sabi ni Agriculture Secretary William Dar.
Samantala, aprubado na ng DA ang special import permit para sa bakuna kontra inclusion body hepatitis o IBH na nakamamatay sa mga manok.
“There are data that shows we have concerns with IBH… Meron nang IBH before pa kaya lang mas mataas ang nagiging cases sa kasalukuyan,” ayon kay Morales.
Humihingi ang poultry raisers ng naturang bakuna na wala pang suplay ngayon sa bansa.
Dagdag pa ni Morales, kailangan ng bakuna para hindi maapektuhan ang suplay ng manok sa bansa.
“May threat ito kasi mataas din ang mortality rate. Of course, lahat ng threat that will affect ‘yong figures ng iha-harvest natin at growth ng manok, it will have an impact sa supply. Pero hindi ito parang bird flu na kailangan i-cull,” paliwanag ni Morales.
Nilinaw din ng Bureau of Animal Industry na hindi nakahahawa sa tao ang sakit na IBH ng mga manok.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog news, African swine fever, hepatitis, Inclusion Body Hepatitis, agriculture