PatrolPH

Barangay chairman, ligtas sa pamamaril sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2021 03:20 PM

CALAMBA CITY, Laguna - Ligtas at nagpapagaling sa tinamong sugat ang isang barangay chairman sa lungsod na ito matapos pagbabarilin madaling araw ng Martes ng mga 'di pa nakikilalang armadong lalaki. 

Kinilala ang biktimang si Arvin Laude Manguiat, chairman ng Barangay Palo Alto. 

Ayon sa Calamba police, nakasakay sa pulang SUV ang opisyal nang may humarang na isa pang SUV sa kaniyang sasakyan. 

Pagkatapos umano nito, may dumaan na salaring sakay ng motorsiklo at saka pinagbabaril ang sasakyan ni Manguiat. 

Agad na tumakas ang mga salarin matapos ang isinagawang pamamaril. 

Nagtamo ng sugat sa kaliwang braso at katawan ang opisyal, pero maayos na ngayon ang kondisyon nito.

Tinutugis na ng PNP ang mga nakatakas na salarin, habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon.

-- Ulat ni Andrew Bernardo

KAUGNAY NA VIDEO: 

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.