PatrolPH

'Swab test result muna': Mga pauwing probinsiya na-stranded, inulan sa pantalan sa Tondo

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2020 07:43 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Inulan at magdamag na na-stranded sa labas ng North Port Terminal sa Tondo, Maynila ang ilang pasahero matapos silang hingan ng resulta ng swab test na hindi naman nila napaghandaan.

Uwing-uwi na sa Negros Oriental si Janice Paera kaya kahit kapos sa pera ay pinilit niyang makabili ng ticket sa ferry pa-Zamboanga.

Nagpa-rapid test pa siya bago ang kanyang biyahe sana Linggo ng gabi. Pero nadismaya siya nang hindi man lang makapasok sa terminal ng pier.

"Tumawag ako kanina sa hotline ng 2GO. Sabi kapag negative ang rapid test mo okay na yan. Pagdating dito, ang guard naman ang sumalubong sabi swab test talaga 'yung kailangan. Eh paano yan hindi na kami makauwi sa pinanggalingan namin kasi wala na kaming pera pamasahe," ani Paera.

Kasama ni Paera ang mahigit 100 pang pasahero na katulad niya ang sitwasyon. May ilang may bitbit pang bata.

Umulan pa noong Linggo ng gabi kaya para silang basang sisiw dahil walang masilungan. Nabasa pati gamit nila.

Nang tumila ang ulan, para silang sardinas na naglatag ng mahihigaan sa gilid ng basang kalsada. May ilang natulog sa center island para makasunod sa physical distancing.

Nawalan ng trabaho nang mag-community quarantine ang karamihan sa kanila kaya idinadaing nila na hindi na nila kaya ang P3,000 hanggang P6,000 swab test.

"Wala na nga kaming natanggap na ayuda, ganito pa. Sana pagkuha ng ticket nagsabi na kayo. Kumuha kami ng travel pass 3 araw tapos ngayon palpak na naman. Papaano yan wala na kaming pera," hinaing ni Amanda Tablate.

Naunang sinabi ng Joint Task Force COVID-19 Shield na may bagong direktiba na kailangan ng swab test result bago makabiyahe sa mga pantalan pero nilinaw ni Interior Secretary Eduardo Año na hindi pa ito ipinatutupad.

"Nagkaroon lang siguro ng miscommunication... Hindi pa naman na-a-approve ‘yong pino-propose natin na bagong protocol," ani Año.

Samantala, nilinaw naman ni Philippine Ports Authority general manager Jay Santiago na naabisuhan na nila ang mga opisyal at tauhan ng mga barko sa North Port Terminal na payagan nang makasakay ng barko ang mga stranded na pasahero na makapagbibigay ng kumpletong dokumento gaya ng kanilang ticket, health clearance, at travel authority na inisyu ng PNP.

Bandang alas-10 ng umaga Lunes nang pasakayin na sa barko ang mga pauwing pasahero.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.