Pagpuputol ng puno sa Baguio City para sa pagpapatayo ng gusali inalmahan

Maira Wallis, ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2020 05:56 PM

BAGUIO CITY — Patuloy ang petisyon laban sa pamumutol ng 54 na puno sa Outlook Drive para bigyang-daan ang pagpapatayo ng isang gusali ng condominium developer na Vista Residences Incorporated.

Hunyo 24 nang i-post ng taga-Baguio na si Jaja Marquez ang pamumutol ng puno sa purok 3. 

"Naiyak ako kasi parang dati sabi nila noong nagkaroon ng coronavirus mas nakapagpahinga 'yung nature natin pero hindi rin eh. Parang sa isang iglap mapuputol 'yung 54 na puno . Saan naman ang puso niyo di ba?" ani Marquez sa naturang post.

Ayon sa City Environment and Natural Resources Office (CENRO) ay nasa 30 na ang naputol na puno.

Giit ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Cordillera director Ralph Pablo, dumaan sa proseso ang pagkuha ng mga dokumento ng kompanya.

"Meron tayong existing policy nga diyan na private property 'yan eh. Bumili sila ng lote tapos hindi nila i-develop? Paano naman 'yung investment ng tao eh private property 'yan so you can do what you want in a private property."

Nagkasa ng online petition ang environmentalist na si Dr. Michael Bengwayan laban sa pamumutol ng puno.

Apela niya kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, ihinto ang pamumutol ng mga puno sa Outlook Drive.

Inilahad naman ni Zenaida Baoanan, biology professor ng UP Baguio, ang mga dahilan kung bakit hindi dapat hayaang maputol ang mga puno.

"Kailangan natin ang hangin na nanggagaling sa mga puno na ito at saka 'yung carbon dioxide din na nanggagaling sa mga tao at sa paligid ay ina-absorb din 'yan ng mga puno kaya importante na ma-regulate nila ang ating klima," ani Baoanan.

Umapela rin si Baoanan kay Magalong. 

"Bilang ama ng siyudad , naniniwala tayo na may magagawa siyang paraan para mapigil ang mga pagputol ng puno," aniya. 

Giit naman ng alkalde, hindi niya alam ang pamumutol ng mga puno.

"I was not informed about the tree cutting. I was not even informed about the permit that was issued. We were not provided a copy... Ang binanggit nila sa akin according to regional director Ralph [Pablo], dumaan naman sa tamang proseso. Unang-unang it is a private property and according to law, the proper owner can actually possess it," ani Magalong. 

Imbes na 100 puno ang kapalit ng bawat punong pinutol, ipinag-utos ni Magalong na gawin itong 200.

Ayon naman sa Vista Residences, mismong DENR ang nagbigay sa kanila ng special private land timber permit. 

"In support of the National Greening Program, we turned over 5,400 seedlings of Benguet Pine to the local units of DENR. Further, as resolved in a meeting with Mayor Benjamin Magalong on 25 June 2020, we agreed to turn over an additional 5,400 seedlings," anila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.