Pagpapadala ng medical teams mula Region 6 papuntang Region 7, sinuspinde

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2020 06:35 PM | Updated as of Jun 29 2020 09:39 PM

Watch more in iWantTFC

Sinuspinde ng Department of Health Region 6 ang pagpapadala nito ng mga doktor sa Rehiyon 7.

Kinumpirma ni Dr. Marlyn Convocar, regional director ng DOH-Centers for Health Development 6 na suspendido muna ngayong Lunes ang deployment ng mga Doctors to the Barrios.

Ito ay matapos matanggap ng ahensya ang ilang opposition letters at joint position papers ng health at medical associations at ng Doctors to the Barrios.

Nilinaw ng ahensya na nakausap nila ang mga doktor noong Biyernes. Bagama't may mga katanungan mula sa mga doktor, wala naman umano sa kanila ang tumanggi sa deployment.

Ayon kay Atty. Jan Reulle Valaquio , Attorney III ng DOH WV-CHD nitong araw nila natanggap ang mga formal opposition papers mula sa mga Doctors To The Barrios at ilang health associations.

"We have been trying to reach out to the concerned doctors since Saturday and Sunday there was no formal opposition on their part, it was only this morning when we received their formal opposition," paliwanag ni Valaquio.

"The purpose of suspending is to provide an avenue for negotiation, the office is also taking in consideration all their concerns," dagdag pa niya.

Nauna nang sinabi ni DOH Usec. Maria Rosario Vergeire na matutuloy ang deployment ng mga doktor papuntang Cebu sa kabila ng pagtutol ng ilang mga doktor.

"Ito po ay ipinag-uutos ng ating Secretary of Health dahil nga po tayo ay may public health emergency at nakikita natin ang kakulangan ng health human resources, particularly doctors dito sa Cebu," aniya.

Ayon sa DOH 6 sa 33 na DTTBs sa Western Visayas, 25 na rural health physicians ang ipapadala sa Cebu kung sakaling matuloy ang kanilang deployment sa Region 7.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.