OFW sa Kuwait na minamaltrato umano ng amo nagpapasaklolo

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2020 12:41 PM

Watch more in iWantTFC

Nagpasaklolo ngayong Lunes ang isang overseas Filipino worker sa Kuwait dahil sa umano'y pangmamaltrato sa kaniya ng kaniyang amo.

Dumulog sa programang “Lingkod Kapamilya” sa TeleRadyo si Eva Perido Dela Cruz, na higit isang taon nang nagtatrabaho bilang domestic helper sa inirereklamo niyang amo.

Sa mga retratong ipinadala ni Dela Cruz, makikita ang mga pasa sa kaniyang braso na natamo umano niya dahil sa pananakit ng babaeng amo.

Kabilang umano sa mga naranasan ni Dela Cruz ay ang batuhan siya ng amo ng mga pagkain mula sa refrigerator, isubsob sa basurahan, at paulit-ulit na iwinasiwas habang kinukuwelyuhan.

Ang isang insidente ay nangyari, aniya, matapos mag-away ang kaniyang mag-asawang amo.

“Kinuwelyuhan niya ako, tapos ang ginawa niya, hila-tulak, hila-tulak. Tapos, iwinawasiwas pa niya ako. Tapos, siyempre, ang lakas-lakas niya po dahil siya naman ay napakalaki,” kuwento niya tungkol sa naranasan niya mula sa babaeng amo.

Aminado si Dela Cruz na nakararanas na siya ng trauma dahil sa mga nangyari.

Hindi na rin umano siya nakatutulog nang mahimbing sa pangambang sasaktan ulit siya ng amo.

“Kapag ako nakakarinig ng tunog ng pinto, bukas ng pinto, lagapak ng pinto, ako po'y nagugulat, ta's nanginginig po,” kuwento niya.

Maging ang mga kasamahan umanong kasambahay ni Dela Cruz ay minamaltrato rin ng kanilang amo.

"Ang pinapakiusap ko lang po sa inyo, kung ako man po ay i-rescue ninyo, sana naman, isama na rin yung aking kasama kasi nakakaawa din naman po. Bago po ako saktan n'un, ito yung unang sinasaktan. Dinuduro-duro po siya... Nasugatan nga ito sa noo," kuwento niya.

Ayon kay Dela Cruz, dati ay maayos naman makitungo ang kaniyang amo at nagsimula lang ang pananakit noong Ramadan o sa pagitan ng Abril at Mayo.

Ayon kay Jay Teves, officer in charge ng advocacy and social marketing division ng Overseas Workers Welfare Administration, agad ipaaalam sa mga awtoridad sa Kuwait ang situwasyon ni Dela Cruz para matulungan ito.

“Agad nating ibabato ngayon sa Kuwait para ma-call 'yong attention ng kaniyang recruitment agency doon at ma-pull out siya sa kaniyang employer,” ani Teves.

Kapag nakuha, dadalhin umano sa Bahay Kalinga sa Kuwait si Dela Cruz, ani Teves.

Kailangan ring magsampa ng sariling reklamo ang kasamahan ni Dela Cruz upang may basehan ang pagsaklolo sa kanya. "Ipapayo lang din natin na yung totoo ang kanilang sasabihin sa kanilang sumbong, para hindi sila balikan ng kanilang employer," sabi ni Teves.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.