Mga lumang jeep makapapasada na ulit ngayong linggo: LTFRB

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2020 02:29 PM | Updated as of Jun 29 2020 06:52 PM

MAYNILA (UPDATE) — Papayagan nang pumasada ngayong linggo ang mga lumang jeepney na maituturing na "roadworthy," sabi ngayong Lunes ng tagapamuno ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Maaaring sa Martes o Miyerkoles maglabas ng memorandum circular ukol sa balik-operasyon ng mga lumang jeep, ani LTFRB Chairman Martin Delgra.

"Papayagan na po ang mga traditional jeepney so long as they are roadworthy. Sila po ay mapapayagan na ngayong linggo," ani Delgra.

"We will emphasize again na 'yung pagbabalik ng mga traditional jeepney ay sila ay dapat roadworthy," dagdag ni Delgra.

Tiniyak din ni Delgra na walang taas-pasahe sa ano mang uri ng public transportation, at humahanap ng paraan ang gobyerno para makapagbigay ng tulong sa mga driver at operator.

Muli namang iginiit ni Zenu Maranan, national president ng transport group na Tejodap, na tila paraan ng gobyerno ang hindi pagpayag sa pagpasada ng mga traditional jeep para i-phase out sila ngayong may pandemya.

Pero itinanggi ito ni Transport Spokesperson Goddes Hope Libiran.

Matagal na ang planong modernisasyon ng jeep, ani Libiran.

Natigil ang pagpasada ng mga lumang jeep noong Marso matapos mahinto ang pampublikong transportasyon bunsod ng lockdown, na ipinatupad para makontrol ang pagkalat ng coronavirus disease sa bansa.

Mula nang magluwag ang quarantine restrictions, inunti-unti ng gobyerno ang pagbabalik-operasyon ng mga pampublikong sasakyan.

Nitong Lunes, 980 unit ng UV Express ang pinayagang magbalik-pasada sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan.

-- May ulat nina Arianne Merez at Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.