Malalaking pagtitipon para sa Pista ng Peñafrancia sa Setyembre, kinansela na

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2020 01:34 AM | Updated as of Jun 29 2020 07:11 AM

NAGA CITY - Tatlong buwan bago ang ika-310 na taon ng debosyon kay Nuestra Señora de Peñafrancia, inanunsyo ng Archdiocese of Caceres at lokal na pamahalaan ng Naga na wala nang magaganap na mga aktibidad at mga pagtitipon. 
Bunsod na rin ito ng nagpapatuloy na coronavirus disease 2019 (COVID-19) health crisis.

Ayon kay Archbishop Rolando Tria-Tirona, mas mahalaga na ligtas ang mga deboto.

“Importante nga ang ating kapistahan pero mas importante ang buong buhay mo. Whether there is an actual celebration or not, you will be a good Christian, good citizen. So ‘yun din ang ini-emphasize natin," ani Tria-Tirona

May mga misa pa rin na gagawin na ila-live. Streaming sa official Facebook Page na Archdiocese of Caceres.

Ayon naman kay Mayor Nelson Legacion, hindi na rin matutuloy ang malalaking aktibidad ng lokal na pamahalaan tuwing pista. Kabilang na dito ang Regional Military Parade, Civic Parade, Voyadores Streetdance Competition, beauty pageants, at trade fairs.

“Ang importante po dito ay ligtas tayo, hindi ‘yung masaya at magsaya. ‘Yun po ang mas mahalaga sa ganitong panahon. Kaya, malungkot man sa iba pero kinakailangang gawin po ito. At kung ang pinag-uusapan natin ay pananampalataya, may mga paraan naman na maipakita po natin na hindi kinakailangang pumunta dito at gawin ‘yung taun-taon na ginagawa," ani Legacion.

Ginawa ang maagang anunsyo para hindi na dumayo pa ang mga deboto ng Birhen ng Peñafrancia.