Ilang UV Express drivers hiniling na makapasada ulit

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2020 04:19 PM | Updated as of Jun 29 2020 07:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

May ilang UV Express unit na hindi pa rin pinayagang pumasada kaya humingi ng tulong ang mga driver at operator sa local officials ngayong Lunes para makausap ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Hindi pasahero kundi mga kasamahan sa trabaho ang hinintay ng mga UV Express driver at operator sa kanilang terminal sa Rodriguez, Rizal nitong umaga ng Lunes.

Pagsapit ng alas-9 ng umaga, naglakad ang halos 200 driver at operator papuntang munisipyo ng Rodriguez.

"Hindi kami magma-mass gathering. Dapat sana bi-biyahe kami ngayong araw... Mayroon kaming appointment sa [local government unit], nagpaalam kami makikipag-usap kami ngayon, hihingi kami ng tulong," ani Ed Comia, chairman ng Metro Comet Transport Service Cooperative.

Inasahan ng grupo na makabibiyahe na sila noong Hunyo 22 pero naudlot nang inanunsiyo ng LTFRB na hindi sila kasama sa papasada.

Ngayong Lunes, pinayagang bumalik sa pagpasada ang 980 unit ng UV Express sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan, pero hindi pa rin napasama ang grupo nina Comia.

Ayon kay Comia, hindi sapat ang ayudang ibinibigay sa kanila at ang kailangan nila ay hanapbuhay.

May 47 ruta ngayon ang mga UV Express pero madadagdagan pa raw ito sa mga susunod na araw.

HEALTH PROTOCOLS

Hindi gaya ng grupo nina Comia, nakabilang naman sa listahan ng mga pinapayagan nang pumasada ang mga UV Express driver ng rutang Antipolo-Ayala.

Bago pumasok sa terminal sa Antipolo, kinukuha ang body temperature ng pasahero.

Pinagfi-fill up din ang pasahero ng form para sa contact tracing.

May opsyon din na bumili ng tap card para sa contactless payment system o magbayad ng sakto sa pasahe.

Nakahiwalay ng plastic ang mga nakaupo sa mga UV Express unit. Dalawang pasahero kada hilera.

Ipinatutupad din ang patakarang "no face mask, no entry."

Magiging point-to-point din ang ruta ng UV Express sa pagpapasakay at pagpapababa ng mga pasahero. Hindi umano papayagan ang mga pasahero na bumaba sa gitna ng ruta.

Dahil sa mga bagong ipinatutupad, bitin ang kita ng mga UV Express operator dahil may ilang pasaherong sa ibang uri ng transportasyon na lang sumasakay.

"Nakakaapekto rin po. 'Yong mga malalapit na pasahero, bawal na rin po i-pick up," ani Raoul Asuncion ng UV Transport Service MPC Metro Rizal. -- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.