Hinihinalang miyembro ng NPA, patay sa engkwentro sa Iloilo

Regi Adosto, ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2020 06:50 PM

MIAG-AO, Iloilo - Isang hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) ang napatay sa nangyaring engkuwentro sa Barangay Dalije sa bayan ng Miag-ao sa Iloilo Lunes ng umaga.

Ayon kay Captain Cenon Pancito , Chief Public Affairs officer ng 3rd Infantry Division, nagpapatrol ang mga miyembro ng 61st Infantry Battallion nang kanilang makasalubong ang hindi bababa sa 30 mga miyembro umano ng NPA.

Tumagal nang ilang minuto ang palitan ng putok at kasunod nito ay narekober ang bangkay ng sinasabing miyembro ng NPA.

Nagpapatuloy ang clearing sa sa lugar.

Ayon sa Philippine Army, bago pa man ang engkuwentro, may mga residente na ang nag-ulat ng 'di umano'y presensya ng mga rebelde sa lugar.

Nangyari ang engkuwentro sa tinatawag na tri-border ng mga bayan ng Miag-ao at San Joaquin sa Iloilo, at Sibalom sa Antique.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.