DOTr aminadong nagkulang sa info dissemination sa EDSA busway scheme

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2020 08:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Binigyang linaw ng Department of Transportation (DOTr) ang ipinatupad na bagong busway scheme sa EDSA ngayong Lunes.

Sa "modified" EDSA, nasa kaliwang lane dapat ang babaan at sakayan ng mga pasahero ng bus.

Subalit hindi naging lubos ang impormasyong naipakalat sa publiko kung saan at papaano makararating ang mga pasahero sa bagong babaan at sakayan.

Unang paglilinaw ay kahit pinayagan na unti-unti ang mga bus, modern jeep at UV Express, hindi pa todo ang implementasyon ng bagong busways, ayon kay Transport Spokesperson Goddes Hope Libiran.

"Hinihintay din natin na matapos fully 'yong lahat ng ating mga... habang hindi pa nagagawa 'yong mga bus stops doon o hindi pa natatapos, ang LTFRB po ay nag-apruba ng pagkakaroon ng mini loops," ani Libiran.

"Mayroon pong 30 buses na idi-dispatch na bibiyahe lang po mula doon sa Monumento going to Quezon Avenue... ganoon din sa PITX going to Ayala," paliwanag niya.

"Ang DOTr, nag-procure ng 36,000 na concrete barriers at 'yong start ng delivery noon ay from July 2 to 7, at after 15 days ay mayroon na namang isang bulk na ide-deliver hanggang sa makumpleto natin 'yong 36,000," dagdag ni Libiran.

Nilinaw rin ni Libiran na ang nakagagamit ngayon ng busways ay iyong augmentation buses o salo sa mga psahero ng MRT at LRT.

Sagot ng mga pinayagang modern jeep at UV Express iyong mga ibang lugar na hindi pa handa ang bagong sakayan at babaan.

"Sa mga susunod na araw kapag mayroong mga announcement ulit ay mas paiigtingin namin 'yong communications campaign namin" ani Libiran.

Tinadtad naman ng signages ang mga gumaganang istasyon gaya sa Guadalupe, Makati pero hindi agad nalaman ng mga pasahero ito kaya kakaunti at aalog-alog ang mga bus na bumiyahe nitong Lunes.

"May kaunting kalituhan lang kasi nga until now, kumbaga dry-run stage tayo," ani Metropolitan Manila Development Authority General Manager Jojo Garcia.

Sa tantiya ng DOTr ay sa Agosto o Setyembre pa maging fully operational ang "modified" EDSA kapag naitayo na ang lahat ng mga loading at unloading zone sa kahabaan ng EDSA, at kung kumpleto ang concrete barriers.

Dinagdagan ng MMDA nitong Lunes ng hazard lights ang mga barrier para makita agad ng mga motorista. -- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.