Bahagi ng barangay sa Bacolod, ini-lockdown; 20 pamilya apektado

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2020 08:50 PM | Updated as of Jun 30 2020 08:03 AM

BACOLOD, Negros Occidental - Naisama ang 20 pamilya sa lockdown simula ngayong Lunes sa bahagi ng Barangay Punta Taytay sa Bacolod City matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang isang buntis na babae sa naturang lugar.

Ayon sa punong barangay, nakipag-videoke pa umano ang buntis bago lumabas ang resulta na nagpositibo siya sa virus.

Sabi ni Punong Barangay Leah Palma, nagmula sa Angono, Rizal ang 24 anyos na buntis at asymptomatic ito.

Inilipat na ito sa quarantine facility ng lungsod, at naka-home quarantine naman ang siyam na mga kasama nito sa bahay.

Mga kapitbahay ng babae ang nasama sa lockdown. Halos magkadikit ang mga bahay sa lugar.

Patuloy rin ang contact-tracing ng barangay sa kasalukuyan.

Ayon kay Palma, madalas umanong lumalabas ng bahay ang nagpositibong babae kahit na dapat sana ay naka-quarantine ito.

"Gapamangkot mangkot man ko, siyempre purok mo mabal-an mo gid eh. Nabatian ko gani nga nag-sing-along pa to siya kuno sa Purok Paraiso sa may beach da bala. Dasun didto sa balay sa may unhan lang nila, nag-inum-inum to siya kuno," ani Palma.

(Nagtatanong tanong din ako sa mga purok. Malalaman mo talaga. May narining nga ako na nakipag-sing-along daw siya sa Purok Paraiso, sa beach. Tapos nakipag-inuman din daw.)

Ayon naman sa nurse ng barangay, pinagsabihan na nila ang pasyente.

"Ti dasun gina follow-up man siya sang aton nga BHERTs. Ginhambalan ko siya nga indi gid siya magwa ti. Naghambal man siya nga, Oo, Ma'am, indi man sya magwa. Pero pagbalik naman sang mga BHERTs ko, ato naman siya sa gwa," ani Marylin Malan, nurse ng Barangay Punta Taytay.

(Fina-follow up siya ng mga BHERT (Barangay Health Emergency Response Team). Pinagsabihan ko rin siya na hindi puwedeng lumabas ng bahay. Nag-oo naman siya. Pero nung dumating ang mga BHERTs, nasa labas na naman siya.)

Pinabulaanan naman ng nagpositibo na pasyente ang sinabi ng barangay na sinuway niya ang kaniyang home quarantine.

Hindi umano totoo na lumabas siya ng kanilang bahay at nag-videoke.

Nababahala naman ang mga residente sa barangay nang malaman na nagpositibo sa COVID-19 ang babae.

"Syempre, gapalayo lang kami. Wala na kami da gaagi, diri nalang kami asta ya waay na kami to ya," ani Kriza Gangoso.

(Naghahanap na kami ng ibang madadaanan.)

"Basi kun ano bala matabo, basi i-lockdown man kami, di bala indi kami makagwa, paano nalang karon ang pagkaon namon indi bala?" ani Johnny Areston.

(Iniisip namin na baka ma-lockdown kami o masama kami sa lockdown. Mahirap 'pag ganyan.)

Tatagal ng 14 araw ang lockdown.

Samantala, sa Barangay 2, siniguro ng Punong Barangay na hindi nakalabas ng bahay ang isang babaeng residente na nagpositibo sa COVID-19 habang naka-home quarantine ito.

Inilipat na sa quarantine facility ang nasabing babae, at isinama na rin ang kanyang asawa at tatlong mga anak.

Agad naman nagsagawa ng disinfection ang City Disaster Risk Reduction Management Office sa bahay ng COVID-19 patient at ang mga katabing-bahay sa Purok Cagaycay ng nasabing barangay.

Hunyo 18 nang umuwi ang babae mula Maynila at nag-home quarantine habang hinihintay ang resulta ng swab test. Biyernes na nang lumabas ang resulta.

"Pag abot niya na di ya sa Manila, waay na siya ya kagwa mo. Dira lang gid na siya ya sa balay kay una una na siya nakon nga LSI nga nag-abot nga nag-home quarantine. So, naka-focus gid kami sa iya kay tungod taga-Cagaycay ko na facilitate gid namon," ani Barangay 2 Chairman Emily Banguanga.

(Nang dumating siya mula Manila, 'di siya talaga nakalabas ng bahay. Nakatutok kami sa kaniya. Una siyang LSI [locally stranded individual] namin.)

May dalawa namang residente ang Barangay Granada na nagpositibo sa COVID-19.

Inilipat na rin sila sa quarantine center matapos lumabas ang resulta.

May notice na nakalagay sa gate nila para na rin malaman ng mga mamamayan at mag-ingat din ang mga ito.

Nitong Linggo, nasa 45 na ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa Bacolod City. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.