22 bagong kaso ng COVID-19, naitala sa Caraga region

Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2020 06:22 PM

BUTUAN CITY - Kinumpirma ng Department of Health Caraga (Region 13) na nadagdagan ng 22 kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang rehiyon ngayong Lunes, base na sa natanggap nilang mga test results mula sa Southern Philippines Medical Center.

Ayon kay Dr. Jose Llacuna Jr., director ng DOH Caraga, aabot na sa 138 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa rehiyon.

Bukod sa 22 na bagong kumpirmadong kaso, may 10 rin na nauna ng nagpositibo ang nakumpirma sa follow-up tests.

Sa 22 bagong kaso, 12 ang babae habang 10 naman ang lalaki na may edad 20 hanggang 30 taong gulang. Dalawampu ay asymptomatic habang ang dalawa ay may mild symptoms.

Labingwalo sa mga ito ay mga dating locally stranded individuals (LSI), dalawa ay returning overseas Filipinos (ROFs), ang isa ay may travel history sa Metro Manila, at ang isa ay health care worker.

Sa buong bansa, umabot na sa 36,438 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng COVID-19, kung saan 9,956 na ang gumaling habang 1,255 naman ang namatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.