2 Pinoy mangingisda na stranded sa Sri Lanka nagpapasaklolo

Zen Hernandez, ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2020 07:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Humihingi ng saklolo ang 2 mangingisdang Pinoy na stranded ngayon sa isang fishing vessel sa Sri Lanka dahil nais na nilang makauwi.

"Patulungan naman po kami dito para ma-rescue itong kasama namin. Iyan ho sya, kawawa naman, pang ilang tao na po 'yan, walang ginagawa 'yung kapitan, patulong naman po," panawagan ni Robert Maguidad, mangingisdang Pinoy.

Itinuturo niya ang kalagayan ng kasamahan niyang Indonesian na nahihirapang huminga.

Nag-umpisa lang ang sakit ng Indonesian sa pamamaga ng paa pero lumala at noong Linggo ay tuluyan nang binawian ng buhay.

Ayon kay Maguidad, ang Indonesian ay ikaapat na sa mga kasamahan nilang namatay sa loob ng fishing vessel na Han Rong 368, na nangingisda sa Indian ocean. Isa sa 4 na namatay ay Pilipino.

Pare-pareho umano ang pagkamatay: mamamaga ang paa at kinalaunan ay mahihirapang huminga. Pero hindi malinaw kung may kinalaman ito sa COVID-19.

"Hindi na po namin alam kung anong klaseng sakit 'yun. Nag-aantay pa po kami ng rescue sa ngayon. Sana po matulungan nyo na kami bago pa po lumala ang lahat at magkahawaan dito," ani Maguidad.

Nasa karagatan na ng Sri Lanka ang FV Han Rong 368 pero hindi makadaong dahil umano sa kakulangan ng permit.

Nangangamba tuloy sila Maguidad na matagalan pa sa dagat dahil wala rin silang malinis na inuming tubig.

Wala rin silang supply ng face mask o personal protective equipment na makakatulong sana para hindi sila magkahawahan.

Ayon sa International Transport Workers Federation, 200,000 seafarers sa buong mundo ang stranded ngayon sa mga barko dahil sa mga COVID-19 travel restriction.

Dahil marami sa mga seafarer ay Pinoy, nanawagan ang International Seafarers Action Center ng Migrante na bilisan ang pagpapauwi sa kanila dahil marami na ang namamatay.

"Ang gobyerno lang po natin ang may kakayanan na magpauwi talaga," ani Edwin dela Cruz.

Wala namang Philippine Embassy sa Sri Lanka kaya ang Philippine Embassy naman sa Bangladesh ang nakatokang makipag-ugnayan sa mga manning agency at may-ari ng barkong sinasakyan nila Maguidad.

Ayon naman sa Department of Foreign Affairs, tinutulungan na ng Philippine Consulate sa Xiamen ang mga stranded na Pinoy.

Inaalam na rin ng embahada sa Beijing ang sitwasyon ng 2 pang barko at humihingi ng pahintulot na pababain na ang Pinoy crew.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.