Kambal na pagsabog sa Sulu isinisi ng AFP sa Abu Sayyaf

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2019 06:05 PM | Updated as of Jun 29 2019 08:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pito ang patay habang 22 ang sugatan sa dalawang magkasunod na pagsabog malapit sa isang military camp sa Indanan, Sulu nitong Biyernes. 

Ito na ang ikalawang malaking pagsabog sa Sulu ngayong 2019. Matatandaan na noong Enero, pinasabog ang isang simbahan sa Jolo kung saan higit 20 ang namatay. 

Ayon kay Lt. Col. Gerald Monfort, tagapagsalita ng Joint Task Force Sulu, lumalabas sa kanilang paunang imbestigasyon na ang Abu Sayyaf Group (ASG) ang nasa likod ng pagsabog. 

Dalawa umano sa iba pang namatay ay hinihinalang mga bomber na may dalang improvised explosive device (IED) sa kanilang bag, ayon kay Maj. Gen. Cirilito Sobejana, commander ng Western Mindanao Command. 

Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na sinisita ng mga sundalo sa checkpoint ang tatlong lalaki at hindi sila pinaalis nang may makitang bomba sa bag ng isa sa kanila. 

Iinspeksyunin pa lang sana ng mga sundalo ang bag nang sumabog na ito. 

Nakatakbo pa ang isa sa tatlong lalaki malapit sa lugar kung saan may mga sibilyan. Pero makalipas lang ang ilang segundo ay sumabog din ang dala nitong bag. 

Hindi pa makumpirma ng militar kung suicide bombing ang nangyaring insidente. Pero naniniwala silang mga sundalo ang target ng grupong nasa likod ng pambobomba. 

Mariin kinokondena ng Palasyo ang pagsabog, ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo. 

"We condemn in the strongest possible terms the explosion that occurred in a military base in Sulu, which killed and wounded scores of people," ani Panelo. 

Sang-ayon din sila sa unang pahayag na ang Abu Sayyaf ang nasa likod ng pag-atake. 

Isinailalim na rin sa red alert status ang National Capital Region (NCR) matapos ang pagbomba, ayon kay National Capital Region Police Office chief Guillermo Eleazar. 

Iniutos na rin ni Sobejana na repasuhin ang kanilang security protocol at alamin kung may pagkukulang sa seguridad nang mangyari ang insidente. 

-- May ulat ni Noning Antonio, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.