Granada, natagpuan sa gusali ng law firm sa GenSan

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2019 01:54 PM

Hindi pumutok ang granadang natagpuan sa law firm ng YBS dahil hindi natanggal ang safety pin nito. Jay Dayupay, ABS-CBN News

GENERAL SANTOS CITY - Isang granada ang narekober sa gusali ng law firm na nag-aapruba ng refund sa mga biktima ng paluwagan scam, Sabado ng umaga.

Kinumpirma ng Yap-Babsiloy-Sanchez (YBS) Law firm na bandang alas-9 ng umaga nang madiskubre ng negosyanteng si Cora Asuera ang granada sa balcony ng ikatlong palapag ng inuupahang gusali sa Barangay Lagao.

Ayon sa law firm, noong nakaraang linggo, nakatanggap sila ng text message na pinapaalis ang mga empleyado nila dahil may itinapon umanong granada sa gusali pero wala namang silang nakita at nagpa-blotter na lang sila.

Nirereview na rin ng awtoridad ang CCTV sa building para malaman kung sino ang nasa likod nito. Hindi naman sumabog ang granada dahil hindi natanggal ang safety pin nito.

Naniniwala ang law firm na pananakot ito sa kanila dahil sila ang nago-authenticate ng claims sa paluwagan scam ni Shiela Agustin, ang itinuturong utak dito.

Nasa 251 ang naghain ng reklamo laban kay Agustin at 26 na iba pang kasabwat umano nito kung saan aabot ng halos P900-M investment ang natangay umano sa investors.

Sistema ng paluwagan ang 60 percent na tubo sa investment sa loob ng 15-araw o 120 percent namang returns sa isang buwan.

Kampante naman ang YBS Law firm na kumakatawan kay Agustin na madi-dismiss ang kaso laban sa kanilang kliyente dahil sinimulan na nila ang pag-release ng refund sa mga valid claimant.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.