DTI may babala sa mga sobrang magpatong ng presyo sa karne

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2019 07:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagbabala ang Department of Trade and Industry sa mga retailer na nananamantala sa presyo ng manok sa gitna ng pagkaunti ng supply nito sa mga palengke. 

Tugon ito sa mga umano’y insidente ng pagpepresyo sa manok na lagpas sa inirerekomenda ng ahensiya. 

Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, nasa P160 lang dapat ang presyo ng manok at nasa P190 hanggang P220 kada kilo ang presyo ng baboy sa palengke. 

"Ang laki (ng presyo), merong nagte-take ng advantage doon," ani Castelo. 

Umaabot na umano sa P170 ang presyo ng manok sa ilang pamilihan gaya ng Kamuning Market, ayon sa ilang tindera. May mga nagbebenta rin umano ng baboy na aabot sa P240 kada kilo. 

Pero ayon sa DTI, nasa P160 lang dapat ang presyo nito dahil nasa P95 hanggang P110 ang presyo ng manok kapag ibinili ito sa mga local farmer. 

Ibig sabihin, P50 lang ang puwedeng ipatong ng mga trader at retailer. 

Ani Castelo, maaaring padalhan ng notice of violation ang mga nagbebenta ng manok at baboy na masyadong mahal at maaaring managot kapag napatunayang sobra ang patong nila sa presyo.
 
--Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.