Grab driver sugatan sa aksidente sa QC

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2019 09:16 AM | Updated as of Jun 29 2019 12:36 PM

Tinumbok ng pulang kotse ang Toyota Tamaraw FX na may kargang mga langka sa intersection ng Samar Street at GMA Network Drive sa Quezon City. Fred Cipres, ABS-CBN News

MAYNILA - Sugatan ang isang driver sa salpukan ng 2 sasakyan sa intersection ng Samar Street at GMA Network Drive sa Quezon City, Sabado ng umaga.

Nagtamo ng sugat sa tuhod at iniinda ang sakit sa kanan dibdib ng Grab driver na kinilalang si Samuel Dela Masa, 52 anyos.

Kuwento ng driver ng Toyota Tamaraw FX na si Armando Montilla, 59, ide-deliver niya sana sa Caloocan at Marikina ang kargada niyang langka.

Binabagtas niya ang GMA Network Drive patungong EDSA habang sa Samar Street naman nanggaling ang pulang kotse. Mabilis umano ang takbo ng pulang kotse at sinubukan pa niyang umiwas pero tinumbok pa rin siya.

Masakit ang mga tuhod ni Montilla dahil sa nangyaring aksidente.

Depensa naman ni Dela Masa na hindi umano niya napansin ang Tamaraw Fx.

Sa lakas ng pagkakabangga ay nayupi na parang lata ang unahang bahagi ng pulang sasakyan habang nayupi naman ang gilid ng FX.

Hindi naman gumana ang airbag ng pulang kotse kaya’t tumama ang dibdib ni Dela Masa sa manibela.

Patuloy ang imbestigasyon ng Quezon City Police District Traffic Sector sa aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.