Dredge barge nahulog sa truck; kotse tinamaan

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2019 09:20 AM

Nayupi ang likurang bahagi ng sasakyan matapos na madaganan ng nahulog na barge mula sa isang truck sa España sa Maynila. Jekki Pascual, ABS-CBN News

MAYNILA - Nahulog ang isang dredge barge mula sa truck at natamaan nito ang isang kotse sa riles mismo ng tren sa may España, Maynila Sabado ng umaga.

Ayon sa driver ng truck na si Lando Mitran, dadalhin niya ang barge papuntang Quezon City dahil gagamitin ito sa paglilinis ng ilog.

Pero habang binabaybay ang kahabaan ng España, may mabilis na jeep umano sa kanan ng truck kaya napakabig siya pakaliwa kung saan nandoon naman ang kotse.

Hindi nasagi ng truck ang kotse pero nahulog ang kargang barge nito sa likurang bahagi ng sasakyan.

Ayon sa driver ng kotse na si Lt. Genesis Halili ng Manila Police District, mabilis ang takbo ng truck at dumaan pa sa riles ng tren na hindi patag kaya nahulog ang barge. Swerte aniya na hindi nahulog sa harapan ng kotse ang barge.

Natigil pansamantala ang operasyon ng Philippine National Railway habang nagdulot din ng trapik sa lugar ang pangyayari.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.