Dating alkalde ng Ilocos Norte, timbog sa kasong murder

Randy Menor, ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2019 09:57 AM | Updated as of Jun 30 2019 01:18 AM

Sinalubong ng mga awtoridad ang dating alkalde ng Dingras, Ilocos Norte na si Marynette Gamboa na inaresto sa kasong murder nitong Sabado.

Inaresto ng awtoridad ang dating alkalde ng Dingras sa Ilocos Norte na nahaharap sa kasong pagpatay.

Biyernes ng hapon nang arestuhin ng pulisya si Marynette Gamboa sa Olympic Tower Heights 1, Eastwood sa Quezon City.

Ang pagkakaaresto sa kaniya ay base sa warrant of arrest na ipinalabas ni Regional Trial Court Branch 17 Judge Felix Salvador ng Batac City, Ilocos Norte.

Si Gamboa ang itinurong utak sa pagpatay kay Rey Ruiz, presidente ng board ng Ilocos Norte Electric Cooperative noong 2009.

Agad na dinala si Gamboa sa Camp Crame bago siya ibinalik sa Ilocos Norte. Sinalubong siya ng mga ilang opisyal at iba pang kasapi ng Ilocos Norte Police Provincial Office sa Laoag International Airport.
 
Tumakbo pa si Gamboa bilang representante ng ikalawang distrito ng Ilocos Norte nitong nakaraang halalan pero natalo. — May ulat ni Grace Alba, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.