100 kilo ng marijuana nasamsam sa Kalinga

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2019 01:23 PM

MAYNILA - Aabot sa 100 kilo ng hinihinalang pinatuyong marijuana na nagkakahalagang P15 milyon ang nasamsam sa buy-bust operation na ikinasa sa Purok IV, barangay Bulanao sa Kalinga. 

Apat ang naaresto kabilang si Deo Yao, Ganites Bagas, Joey Marmo, at ang lider umano ng grupo na si Cyrus Marmo. 

Bukod sa marijuana nasabat din sa mga suspek ang 7 bundle na boodle money, baril, at iba pang mga communication device. 

Hinala ng pulisya na miyembro ng Cyrus group, na malaki umanong drug syndicate, ang apat na nahuli. 

Dati nang naaresto si Cyrus noong 2017 pero pinakawalan matapos ma-dismiss ang kaso. 

May operasyon umano ang grupo sa Metro Manila, Kalinga, at sa mga karatig-lalawigan. 

Nahaharap sa kasong paglabag ng Comprehensive Dangerous Drugs Act ang apat na suspek. 

-- Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.