Sagot sa congestion? Drug Dependency Exam sa Manila City Jail, umarangkada na

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2018 08:45 PM | Updated as of Jun 26 2019 01:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isinagawa sa unang pagkakataon ang Drug Dependency Exam (DDE) sa mahigit 300 inmates ng Manila City Jail nitong Biyernes. 
    
Ito’y bahagi ng requirements ng Supreme Court (SC) resolution ukol sa plea bargaining para mas mapababa ang sentensiya ng mga drug suspect at mapabilis ang decongestion ng mga siksikang kulungan. 

Base kasi sa SC resolution na inilabas noong Abril 10, puwede nang mag-plea bargain ang isang drug suspect o umamin sa nagawang kasalanan kapalit ng mas magaan na sentensiya. 

"This is really a welcome development kasi ang actual population natin ay 5,800. Pero ang ideal capacity lang ay nasa 1,100. So malaking bagay kung 'yung iba rito ay either mapalaya na or mai-transfer sa rehab," paliwanag ni Jail Senior Inspector Jayrex Joseph Bustinera, public information officer ng Manila City Jail. 

Isa sa mga umaasang makalaya si alyas “Richard” na nasentensiyahan dahil sa pagtutulak ng droga.     

Kuwento niya, apat na taon na siyang nakakulong. 

"Excited po ako. Naging mabait naman kasi ako. Wala akong ginawa dito sa loob. Kaya alam ko makakalabas ako nang maaga," ani Richard.
 
Kung tutuusin, ang kaso ni Richard ay may sentensiyang life imprisonment.

Pero dahil sa plea bargaining, puwedeng pumasok ito sa section 12 o "possession of equipment, apparatus and other paraphernalia for dangerous drugs" na may sentensiya lang na anim na buwan hanggang apat na taon at multang P10,000 hanggang P50,000. 

Kailangan lang mapatunayan na hindi na siya drug dependent at ang drogang nakuha sa kaniya noon ay hindi aabot sa isang gramo ang bigat. 

"It will really reduce congestion. Why? Because more than 50 percent [of cases here] are drug-related, pag natanggal ang majority, luluwag ito," ani Dr. Jose Juan Baranda, direktor ng Manila Treatment and Rehabilitation Center.
    
Kapag lumuwag ang pasilidad, luluwag din ang mga kulungan sa mga istasyon ng Manila Police District (MPD) lalo’t inaasahang mas bibilis na ang pag-issue ng commitment order dahil sa pakikipag-usap ng mga station commander sa mga korte. 
    
Ang Manila Police District (MPD) Station 3 na siyang may pinakamaraming bilang ng namatay na inmate sa loob ng dalawang taon, nakapaglipat na ng bilanggo sa city jail at nakapagpalaya na rin sa bisa ng mga commitment at release order.

"Malaking tulong talaga 'yung mabilis na release ng orders. Ngayong linggo po nasa 50 plus na ang nabawas sa jail natin," ani Senior Insp. Edward Samonte ng MPD Station 3.

Naniniwala ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na sa hirap na pinagdaanan ng mga inmate sa mga piitan, hindi imposibleng sila’y magbago. 
    
Ang DDE ang isa sa mga paraan para malaman ito kaya balak nila itong isagawa sa mga BJMP facilities kada linggo. 
    

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.