Pasaringan nina Duterte at Sison, may epekto ba sa naantalang peace talks?

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2018 09:55 PM | Updated as of Jun 26 2019 01:02 PM

Watch more in iWantTFC

Muling nagpalitan ng maaanghang na salita sina Pangulong Rodrigo Duterte at Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria Sison.

Marami ang nabigla nang ihayag ni Sison nitong Huwebes na hindi na kayang pumasok sa peace talks ng mga rebelde sa administrasyong Duterte at tila mas madali pa aniya kung tutulong na lang sila na patalsikin ang Pangulo.

"Based on the implications drawn from the current impasse, the National Democratic Front of the Philippines (NDFP) can no longer negotiate with a [government] that is headed by Duterte," ani Sison.

May buwelta naman ang Pangulo. 

"If they are not willing to talk to me, that's fine. Wala akong problema so we continue with the war. Anyway, we have been there for 50 years, ano ba naman dagdagan natin ng 30 years?" ani Duterte.

Nitong Biyernes, kumambyo si Sison at sinabing nasa pamunuan pa rin ng NDFP kung tatapusin na ang usapang pangkapayapaan.

"Some news reports claim that I have canceled or terminated the peace negotiations . . . Only the national council of the NDFP can make the decision to suspend, cancel or terminate the peace negotiations with GRP and has not yet made such a decision," ani Sison.

Ayon kay NDFP consultant Rey Casambre, desidido pa rin ang grupo na ituloy ang usapan.

"The termination can only be done by the NDFP. Not even the negotiation panel in The Netherlands, including Sison . . . Iyung sinabi niya is at best recommendatory," ani Casambre.

Nakatakda sanang magpatuloy ang peace talks nitong Huwebes pero ipinagpaliban ito ng Pangulo.

May banat din si Department of the Interior and Local Government (DILG) secretary Eduardo Año sa bantang pagpapatalsik ni Sison kay Duterte.

"He needs professional help, he is already out of touch from reality. He is living 30 years in Netherlands, hindi niya alam ang hirap na dinaranas sa bundok ng mga NPA (New People's Army) kaya madami na ang sumu-surrender ngayon," ani Año na dating Armed Forces of the Philippines chief.

Tatlong buwan ang itinakdang pagpapaliban ng Pangulo sa usapang pangkapayapaan.

--Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.