Pamimigay ng voter's ID, sinuspinde ng Comelec

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2018 12:38 PM

MANILA - Muling niliwanag ng Commission on Elections, Biyernes, na hindi na muna sila maglalabas ng voter's ID, matapos magreklamo ang ilang netizens hinggil sa pag-iisyu ng komisyon ng ID.

Ayon sa tagapagsalita ng Comelec na si James Jimenez, matagal nang sinuspinde ng Comelec ang pag-iimprenta ng ID, magmula ng magkaroon ng panukalang National ID System. 

Noong Mayo ay sinabi ng mga mambabatas na maaari nang maipatupad ang National ID System ngayong 2018 kung saan mag-iissue ang gobyerno ng isang uri ng ID na maaaring magamit sa iba't ibang ahensya.

Sa ika-2 ng Hulyo ay magbubukas ang pagpaparehistro ng mga botante para sa eleksyon sa 2019.

Giit ni Jimenez, maaari parin naman makaboto sa mga darating na halalan kahit walang Comelec ID.

Ang pangunahing rason dapat ng isang botante sa pagpaparehistro ay para bumoto at hindi para magkaroon ng government ID, sabi ni Jimenez.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.