Pag-usad ng kaso ni Bong Revilla sa Sandiganbayan, ikinatuwa ng pamilya, taga-suporta

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2018 08:34 PM | Updated as of Jun 26 2019 01:01 PM

Watch more in iWantTFC

Maluha-luha si Bacoor City Mayor Lani Mercado matapos ang pagdinig sa Sandiganbayan sa kasong plunder laban sa kaniyang mister na si dating Senador Bong Revilla bunsod ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel scam.

Malaking puntos kasi para sa kampo ni Revilla ang testimonya ng whistleblowers na sina Marina Sula, Mary Arlene Baltazar at Merlina Suñas na nagdiin sa kapwa nila testigo na si Benhur Luy.

Anila, si Luy umano ang pumipirma sa mga papeles at walang kinalaman dito si Revilla.

"We are very happy with what has happened. Sana manaig talaga 'yung empathy ng husgado sa pamilya namin kasi it has been very long na hindi namin kapiling si senator," maiyak-iyak na sabi ni Mercado sa panayam ng ABS-CBN News.

Inakusahan ng Office of the Ombudsman si Revilla, kasama ang negosyanteng si Janet Napoles, ang itinuturong utak ng scam, at dating Senate legislative officer ni Revilla na si Richard Cambe ng plunder dahil sa pagkamal umano nila ng perang aabot sa P224 milyon mula sa PDAF o discretionary funds ng dating senador.

Sa pag-upo ni Revilla bilang testigo, tahasan niyang sinabi na wala siyang natanggap ni isang kusing mula kay Napoles o kaniyang mga tauhan. 

"I never received money from Janet Lim Napoles at sa mga kasamahan niya... I never authorized Atty. Cambe, ang trabaho niya lang focused on legislation," pagtanggi ni Revilla. 

Matapos ang pagdinig, sinamahan pa si Revilla hanggang gabi ng kaniyang pamilya sa kulungan sa Camp Crame.

"Kami-kami lang na immediate family. Kumain muna at nagsama-sama kami sa Camp Crame," kuwento ni Mercado.

Naniniwala naman ang prosekusyon na matibay pa rin ang kaso nila laban kay Revilla dahil panig pa rin umano sa kanila ang testimonya ni Sula.
 
"Inamin naman niya na si Cambe ang pumipirma di ba? Eh si Cambe is a trusted staff ni Sen. Revilla. Bakit siya pipirma, may gagawin ba sa PDAF ang isang staff ng senator kung walang blessing ang senator?" ani Deputy Special Prosecutor Manuel Soriano.

Pero ang mga taga-Bacoor, umaasang makakalaya rin sa lalong madaling panahon si Revilla.

"We pray and we are very hopeful na makakasama namin si senator na unjustly naakusahan," ani Venus de Castro, isang konsehal sa Bacoor. 

Kung sakali, maghihintay pa ang mga supporters ni Revilla dahil sa Agosto ay nakatakda pang magpresinta ang prosekusyon ng rebuttal evidence.

--Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.