Higit 100 lumabag sa iba't ibang ordinansa sa GenSan, pinagdadampot

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2018 05:16 AM

GENERAL SANTOS CITY - Dinampot ng mga pulis Huwebes ng gabi ang higit 100 katao na lumabag sa iba't ibang ordinansa ng siyudad.

Kabilang na rito ang mga menor de edad na nasa kalsada.

Ikinasa ng Police Regional Office 12 ang "Oplan Mapayapang Sambayanan" kung saan ipinakalat ang nasa 256 na miyembro ng Regional Mobile Force Battalion.

Nagsagawa ang mga pulis ng foot patrol, checkpoint, at rescue operation sa magdamag.

Hinuli nila ang mga nagmamaneho ng lasing, umiinom sa mga ipinagbabawal na lugar, at lumabag sa smoking ban.

Ayon kay Supt. Maximo Sebastian Jr., pinuno ng Regional Mobile Force Battalion, ipatutupad nila ang operasyon hanggang Hulyo 4.

Balak din nila itong gawin sa ibang lugar sa Soccsksargen, kabilang ang Koronadal City, Tacurong City, at Kidapawan City.

Tinitiyak naman ng mga pulis na wala silang ilalabag sa karapatang pantao. - ulat ni Francis Canlas, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.