7 sugatan sa karambola sa NLEX

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2018 08:50 AM | Updated as of Jun 29 2018 12:21 PM

MAYNILA (UPDATED) - Lumuwag na ang daloy ng trapiko sa southbound lane ng North Luzon Expressway (NLEX) matapos tuluyan nang maialis ang 4 na sasakyang nagkarambola, Biyernes ng umaga.

Madaraanan na ang anim na lanes ng NLEX makalampas ng Meycauayan exit kung saan nangyari ang multiple collision ng isang pick-up, 2 van at isang SUV.

Ayon kay Nomerson Santiago, driver ng UV express na may sakay na 18 pasahero, malakas ang ulan at halos zero visibility nang baybayin nila ang NLEX.

Hindi naman mabilis ang kaniyang takbo pero hindi aniya niya napansin agad na nakahinto sa harapan ang isang sasakyan. Hindi na rin umano kumapit kaagad ang brakes nang kaniya itong tapakan.

Dahil dito, nabangga niya ang nasa harapan at nag-domino effect sa dalawa pang sasakyan sa harap

Yupi ang kaliwang harapan ng UV Express dahil sa impact.

Samantala, naihatid naman sa pinakamalapit na ospital ang pitong katao na nagtamo ng minor injuries para malapatan ng paunang lunas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.