5 menor de edad na binubugaw umano sa sayawan, nasagip sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2018 09:20 PM | Updated as of Jun 26 2019 01:04 PM

Watch more in iWantTFC

Nailigtas ng awtoridad ang 5 menor de edad na binubugaw umano sa mga parokyano ng dalawang club sa San Pablo, Laguna.

Isinagawa ang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) katuwang ang Rizal Regional Office.

Sa unang club na sinuyod ng awtoridad ay nadiskubre na menor de edad ang dalawa sa mga babaeng entertainer.

Giit naman ng sinasabing bugaw, hindi nito alam na menor de edad ang ilan sa mga babae.

"Tinatanong lang namin sila as tanong lang, hindi nila sinasabi ang tunay nilang edad," ani Norwin Aguirre, isa sa mga nahuling suspek.

Sa katabing club naman ay tatlong menor de edad ang nasagip.

Base sa imbestigasyon, lumalabas na hindi kumpleto sa dokumento ang mga nagtatrabaho sa mga sinuyod na club.

Mahaharap sa kasong human trafficking ang floor manager at dalawa umanong bugaw.

Nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga nasagip na menor de edad.

Inirerekomenda na ng awtoridad sa lokal na pamahalaan na ipasara ang mga club.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.