3 binatilyo tiklo sa 'pangmomolestiya' sa kaibigang babae

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2018 01:44 AM | Updated as of Jun 29 2018 07:59 AM

MARAWI CITY - Arestado ang 3 binatilyo matapos umanong mahuling minolestiya ang lasing na kaibigang babae sa loob ng isang unibersidad sa Marawi City.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nag-iinuman ang magkakaibigan na pawang mga menor de edad malapit sa golf course ng unibersidad.

Nalasing umano ang biktima at nawalan ng malay.

Dito nahuli ng security unit ng unibersidad ang mga suspek na umano'y minolestiya ang kaibigang babae.

Ayon kay Supt. Jamal Christopher Adiong ng Marawi police, nakababa na umano ang panloob ng biktima nang madatnan ng mga tauhan ng unibersidad.

"Inaantay po namin ang result ng medico-legal," aniya.

Mariin namang itinanggi ng mga suspek ang alegasyon laban sa kanila. Depensa nila, nakatulog lang umano ang biktima.

Ayon naman sa isang opisyal ng unibersidad, hindi nila estudyante ang magkakaibigan. 

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang mga binatilyo at itu-turnover sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). - ulat ni Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.