Suspek sa Bulacan massacre, umaming lasing at naka-droga

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2017 08:29 AM | Updated as of Jul 04 2017 07:07 PM

MANILA - (UPDATED) Umamin ang isang construction worker Huwebes sa pagpatay sa 3 bata at kanilang ina at lola habang nasa impluwensya ng alak at droga sa Bulacan. 

Sa eksklusibong panayam ng DZMM Radyo Patrol, ikinuwento ni Carmelino Ibañez na kasabwat niya ang 2 pang suspek na sina alyas "Tony" at "Inggo" sa pamamaslang sa mga biktima. 

Aniya, nakatira siya at mga kasama sa abandonadong bahay sa tabi ng tahanan ng mga biktima. 

Tumira anya sila ng P150 halaga ng shabu at uminom ng gin at beer bago pasukin ang bahay ng mga biktima, alas-2 Martes ng madaling-araw. 

Pinagtataga anya nila hanggan mapatay ang mga batang edad 1, 5 at 11 gayundin ang nanay ng mga ito na si Estrella Carlos at lola na si Auring. 

Pag-amin pa ni Ibañez, hinalay niya at mga kasamahan ang mag-inang Estrella at Auring kahit pa patay na ang mga ito. 

Natagpuan ang mga bangkay makalipas ang ilang oras nang umuwi ang padre de pamilyang si Dexter Carlos Sr. 

Nasa kustodiya na ng San Jose del Monte police si Ibañez habang pinaghahanap pa ang mga umano'y kasabwat niya. 

Nakatakda siyang iharap sa media ngayong Huwebes. 
 
Una nang ag-alok sina San Jose del Monte Mayor Arthur Robes at Bulacan Governor Wilhelmino Sy-Alvarado ng P200,000 na pabuya kapalit ng impormasyon ukol sa mga salarin. -- May ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

 

Editor's Note: Ang ama ng mag-anak na naging biktima ng krimen ay si Dexter Carlos Sr. 
Ang pangalan na unang lumabas sa ulat na ito ay Dexter Carlos Jr., na pangalan ng nasawing anak ni G. Carlos. 
Humihingi tayo ng paumanhin para sa pagkakamaling ito. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.