Katapusan ng 'endo', di pa tiyak kung kailan

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2017 09:35 PM

Isa ang pagtapos ng kontraktuwalisasyon sa mga ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbigay pag-asa sa mga manggagawa bago pa man siya maupo sa puwesto. 

Marami sa mga manggagawa ang natuwa at umaasa na mabibigyan sila ng seguridad sa trabaho, lalo na nang ihayag ng pangulo na tatapusin nito ang kontraktuwalisasyon.

Kasama na rito ang pagtigil sa 'end of contract' o 'endo' kung saan tinatapos ng employer ang kontrata ng empleyado bago pa mag-anim na buwan para maiwasang ma-regular sa trabaho. 

"The moment I asssume the presidency, contractualization will stop. That is an injustice committed against the people of the Republic of the Philippines. I will not allow that as President of this country," ayon kay Duterte sa presidential debate noong 2016.

Kung hindi regular sa trabaho ang isang empleyado, hindi obligado ang employer na magbigay ng ilang benepisyo gaya ng SSS, vacation leave, at separation pay. 

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), sa loob ng halos isang taon sa ilalim ng administrasyong Duterte, umabot na sa halos 50,000 na kontraktuwal na empleyado ang naging regular.

Gayunpaman, hindi kontento ang labor group na Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), dahil hindi lamang daw 'endo' ang dapat solusyunan ng gobyerno. 

"Outright, absolute prohibition of all forms of fixed employment, and all forms of contractualization kasama 'yung 'endo', so ang mangyayari dito, mabubuwag 'yung mga manpower service agencies, at directly hired 'yung mga manggagawa sa principal employer," ayon kay Allan Tanjusay, tagapagsalita ng TUCP. 

Ayon naman sa mga grupo ng employers at service contractors, kapag tuluyang inalis ang kontraktuwalisasyon, libo-libo ang mawawalan ng trabaho. 

"'Yung mga companies, 'yung mga investors na nandito, they could just easily pull out dahil nandiyan lang naman ang Thailand, ang Indonesia, ang Vietnam," ayon kay Rhoda Caliwara, presidente ng Philippine Association of Legitimate Service Contractors. 

Ngunit maging and DOLE ay nagsabing hindi lahat ng uri ng kontraktuwalisasyon ay labag sa batas. Pinapayagan ng batas ang seasonal at project-based employment. 

"'Yung sinasabi ng ating pangulo na ayaw niya ng 'endo', ayaw niya ng contractualization, what he was referring to is 'yung illegal and unlawful contractualization, kasi alam naman natin na gusto man ng ating pangulo, the problem is there are existing laws which allows certain forms of contractualization," ayon kay DOLE Secretary Silvestre Bello. 

Mga tuntunin sa kontraktuwalisasyon, hinigpitan 

Maraming buwang umupo sa negosasyon ang DOLE, mga employer at mga manggagawa, na nagbunga ng Department Order 174 na naglalatag ng mahigpit na tuntunin sa kontraktuwalisasyon. 

Sa ilalim ng DO 174, bawal ang labor-only contracting, at iba pang mga mapang-abusong uri ng pangongontrata ng trabaho. 

Inilatag din ang mga benepisyo ng manggagawa na naka-deploy sa service contractor, gaya ng holiday, overtime, at 13th month pay, benepisyo sa pagreretiro, at SSS.

Hindi na rin co-terminus ang kontrata ng trabahador sa kanyang contractor, at ang kanyang kontrata sa pinapasukang prinsipal na kompanya. 

Para naman matanggal ang mga 'fly by night' na manpower agency, ginawang mas mataas ang capital requirement at registration ng mga service contractors. 

Tanggap ng mga employer ang bagong department order pero tinanggihan ito ng ilang labor groups. 

"Ang department order na ito ay hindi tumutugon sa pangangailangan ng mga manggagawa dahil patuloy pa rin ang malawak na kontraktuwalisasyon sa hanay nila," ayon kay Renato Magtubo ng Partido ng Manggagawang Pilipino. 

Pangulo, iginiit ang pangako

Inihayag naman na pangulo noong Labor Day na hindi niya nakalilimutan ang pangako sa mga manggagawa.

"I said, and I say now: I stand firm in my convictions to end 'endo'. The labor code guarantees all workers on the rights to security of tenure. This has to be strictly enforced. Panahon lang," ayon sa pangulo.

Samantala, mayroon mang mga nadismaya at nagalit mula sa mga manggagawa, patuloy pa ring nakakapit ang ilan sa pag-asang maibibigay sa kanila ang kanilang hiling na seguridad sa trabaho sa loob ng limang taon. 

-- Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.