Jeep sumalpok sa poste sa QC; 14 na pasahero sugatan

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2017 09:43 AM

Binibigyan ng paunang lunas ang pasaherong ito ng jeep na naaksidente sa Quezon City.

MAYNILA - Sugatan ang 14 na pasahero ng jeep matapos itong bumangga sa poste sa E. Rodriguez Avenue, bahagi ng Barangay Santo Cristo sa Quezon City Huwebes.

Naabutan pa ng ABS-CBN News na nakahandusay sa loob ng jeep ang isang babaeng pasahero habang ang isa pa ay binibigyan na ng CPR (cardiopulmonary resuscitation) sa loob ng ambulansya.

Ang ibang pasahero ay duguan at nakahiga sa may bangketa habang ang ilan ay hindi makaalis sa puwesto nila sa loob ng jeep dahil sa sakit sa katawan.

Duguan ang pasahero ng isang jeep na naaksidente sa Quezon City. Fred Cipres, ABS-CBN News

Kuwento ng isang nakakita sa aksidente na nagpakilalang Marvin, mabilis umano ang takbo ng jeep at nag-overtake pa ito sa kanilang sasakyan.

"Mabilis ang takbo ng jeep. Nasa 60-70 kph ang takbo nito. Nag-overtake pa nga ito sa 'min tapos nakita ko na bumangga 'to," ani Marvin na siya ring tumawag ng tulong nang makita ang nangyari.

Pinasinungalingan naman ng tsuper na si William Cuntapay ang akusasyong mabilis ang kanyang pagpapatakbo at iginiit na nawalan lamang siya ng preno nang may iwasang sasakyan.

Nagdulot ng kaunting pagsisikip sa daloy ng trapiko dahil naokupa ng nga rumespondeng ambulansya ang southbound lane ng E. Rodriguez.

Dinala sa iba't ibang pagamutan ang mga sugatang pasahero habang ang drayber naman ay deretso sa QCPD traffic sector 4 para maimbestigahan.