Hepe ng Cagayan police nakaligtas sa pananambang

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2017 12:48 PM

BAGGAO, Cagayan - Nakaligtas ang hepe ng Cagayan police nang tambangan at pagbabarilin habang sa gitna ng pagresponde sa pag-atake ng mga hinihinalang rebelde sa bayang ito, Martes.

Kuwento ni Senior Supt. Warren Tolito, Lunes ng gabi nang makatanggap sila ng ulat na pinagbabaril ng nasa 30 hinihinalang miyembro ng New People's Army ang bahay ng isang retiradong sundalo.

Nasugatan ang mag-inang nangungupahan sa nasabing bahay.

"Base sa investigation, iyung pagpapaputok nila is not to hurt anybody, naging pain lang nila iyon para kapag nagresponde kami saka nila kami aatakehin," ani Tolito.

Pinili ng pulisya na ipagpaliban ang pagresponde sa insidente dahil sa hinalang inaabangan sila ng mga rebelde.

Pero habang nasa biyahe kinabukasan, tinambangan ng NPA ang 7 sasakyang bahagi ng convoy nina Tolito sa Barangay San Carlos, Gattaran.

"Papunta na kami noon sa Baggao para mag-imbestiga doon sa harassment sa bahay ng dating sundalo, tapos doon may narinig kaming sumabog," sabi ni Tolito.

"Dumapa iyong tropa then may mga bumabaril na sa amin kaya nag-retaliate fire na."

Tumagal aniya ng 45 minuto ang palitan ng putok. Wala namang nasugatan sa 57 pulis na naipit sa bakbakan.

"Maaaring may mga namaril doon sa bahay ng sundalo na kasama din sa umatake sa amin kasi base dun sa mga narekober nag-overnight pa sila sa area eh," hinala ni Tolito.

Walang nahuli sa mga rebelde pero narekober sa crime scene ang sumabog na bomba, gayundin ang bota, radyo at pagkain ng mga suspek.

-- Ulat ni Danica Guieb, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.