Duterte, itinangging 'junket' ang pagbisita sa Russia

Vina Araneta-Pilapil, ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2017 04:00 AM

DAVAO CITY - Sa unang pagkakataon, nagbigay ng pahayag si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga naging batikos sa kanya noon sa kanyang biyahe sa Russia.

Paliwanag ni Duterte, ipinasama niya sa biyahe ang mga magreretirong sundalo at mga asawa nila bilang pasasalamat sa naging serbisyo nila sa bayan.

Pareho lang din umano naman ang babayaran ng gobyerno sa eroplano kahit kaunti o marami ang kasama niya.

"And so I invited iyung mag-retire, iyung military pati police na mag-retire. Iyan lang rin ang paraan na mapakita ko sa inyo na this is also a nation who has the gratitude for you sumama kayo, isama niyo asawa ninyo ipasyal ko kayo," ani Duterte.

Pero agad naputol ang dapat sana'y ilang araw na byahe nang biglang pumutok ang bakbakan sa Marawi kaya agad napa-uwi ang Pangulo sa bansa.

Isa sa mga pumuna ay si dating pangulong Fidel Ramos na kinuwestiyon ang bilang ng mga kasamang opisyal ni Duterte.

Ayon kay Ramos, ang iba ay wala naman umanong mahalang papel sa biyahe sa Russia.

"It now turns out that it was a junket... Some people should have stayed behind,” ani Ramos.

Ayon kay Ramos, walang naiwan sa Pilipinas para mag-asikaso sa kaguluhan sa Marawi.

"There is a certain failure of organization in the entire government right now... (some) should have been in their posts because this is not the first time there have been threats,” aniya.

Pero ipinaliwanag ni Duterte kung bakit kasama sina National Defense Secretary Delfin Lorenzana at National Security Adviser Hermogenes Esperon.

"Nandoon lahat iyun kasi we were discussing arms and other mga trade and I was critized kasi junket daw sabi ni Presidente Ramos. It was not. We got about P9 billion of ready made transactions kaagad." 

Labing-anim na mga miyembro ng Gabinete ang sumama sa delegasyon ng Pangulo, kabilang ang mga assistant secretaries at iba pang staff.

Sumama rin ang partner ni Duterte na si Honeylet Avanceña at mga anak ng Pangulo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.