Biyahe ng MRT muling nilimitahan dahil sa bitak sa riles

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2017 10:44 AM | Updated as of Jun 29 2017 07:50 PM

MANILA - Nagkaroon ng tatalong beses na aberya ang biyahe sa bahagi ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) nang halos isang oras Huwebes ng umaga dahil sa nag-crack na riles ng tren. 

Sa panayam ng DZMM Radyo Patrol, ipinaliwanag ni Engr. Deo Manalo, operations manager ng MRT-3, na nagkaroon ng broken rail tracks sa pagitan ng Kamuning at Cubao stations kaya limitado lang kanina ang biyahe ng tren mula Shaw Boulevard hanggang Taft. 

Dahil dito, pansamantalang naging limitado ang biyahe ng tren mula Shaw hanggang Taft, alas 5:57 ng umaga. 

Napilitang lumipat ng bus at van ang mga pasahero sa gitna ng aberya. 

Nilagyan naman ng fishplate o joint ang nasirang riles upang pagdikitin muli. 

Naka-iskedyul palitan ang nasirang bahagi ng riles Huwebes ng gabi. 

Bumalik din sa normal ang operasyon ng MRT mula North Avenue hanggang Taft sa takbong 40 kilometers per hour (kph). Gayunpaman, bahagyang babagal ang tren sa nasirang bahagi sa bilis na 15 kph. 

Tinatayang 500,000 pasahero ang gumagamit ng MRT kada araw. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.