PatrolPH

Warehouse ng pintura sa Pasig City, nasunog

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2022 06:07 PM

MANILA — Nasunog ang isang warehouse ng mga pintura sa Brgy. Dela Paz sa Pasig City nitong Martes ng umaga.

Malaki at maitim ang usok na nakita sa paligid ng warehouse na malapit sa Marikina-Infanta Highway.

Sumiklab ang apoy pasado alas-11 ng umaga, at umabot ito sa ikatlong alarma.

Ayon kay Pasig City fire marshal F/Supt. Aristotle Bañaga, may naghahalo ng pintura sa loob ng warehouse nang sumiklab ang apoy.

Aniya, natukoy na sa mixer nagmula ang sunog, pero hindi pa tiyak kung nag-overheat o nag-short circuit ito.

"Under investigation pa ang cause ng fire, mayroon na pinpoint, iyong mixer ang source. Nandoon ang possibility pwede nag-overheat, pwede nag-short circuit," sabi ni Bañaga.

Wala namang nasaktan sa pangyayari dahil nakalabas lahat ng manggagawa nito.

Maluwag din aniya sa loob ng warehouse kaya agad itong napasok ng mga bumbero.

Pasado ala-1 na ng hapon ngayong Martes nang ideklarang "fire out" ang sunog.

—Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

FROM THE ARCHIVES:

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.