Pagdalo si Health Secretary Francisco Duque III sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto 2, 2021. Arman Baylon, Presidential Photo/file
MAYNILA — Nagpaalala ang Department of Health (DOH) ngayong Martes sa mga dadalo sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na magsuot ng face mask at sumunod sa minimum health protocols.
Ito ay sa harap ng unti-unting pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, napatunayan sa mga nagdaang malalaking pagtitipon na mabisa ang pagsusuot ng face mask para maiwasan ang hawahan ng COVID.
“As we have always reminded the public, 'yung minimum public health standards, kung sino man ang pupunta doon, mag-mask tayo,” sabi ni Duque sa Kapihan sa Manila Hotel.
“Ang dami nang superspreader events na nagdaan… Nag-reflect ba sa number of cases? Wala. Hindi naman. Hopefully dahil ang mga tao marunong na, tama ang pagsuot ng mask, para maiwasan natin. So ipagpatuloy po natin ‘yung best practice natin,” dagdag niya.
Nasa 14 na lugar sa Metro Manila ang nakapagtala ng pagtaas ng positivity rate at lumagpas sa itinakdang benchmark ng World Health Organization, ayon sa OCTA Research group ngayong Martes.
Gaganapin ang inagurasyon ni Marcos sa Hunyo 30 sa National Museum sa Maynila.
IBA PANG ULAT
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.