MAYNILA - Doble ang kaba ng taga-Tacloban City na si Lani Abitona nang bumaha Lunes ng gabi matapos ang dalawang oras na pag-ulan mula pasado alas-6.
Nasa kalahating metro ang lalim ng baha sa bahay nila sa Barangay 91 Apitong, kaya nabasa ang marami nilang mga kagamitan.
Pero bukod sa kagamitan at kaligtasan ng kaniyang pamilya, ikinabahala rin niya ang kaligtasan ng kaniyang 6 na mga alagang aso.
Kaya ipinatong na lang nila ang mga aso sa kanilang mga kama.
Nang mas tumaas pa ang baha, inilipat nila ang mga alagang hayop sa mesa sa loob ng kanilang kwarto.
Sa Barangay 8-A sa downtown area naman ng nasabing lungsod, umabot hanggang binti ang baha dahil sa dalawang oras na pag-ulan, ayon sa residenteng si Eric Pedrosa.
Binaha rin ang Kassel Homes Subdivision sa Barangay Naga-Naga.
Sa video na ibinahagi ni Vohn Dave Villarante, makikitang lubog sa baha ang ilang mga nakaparadang sasakyan sa nasabing subdivision.
Pinasok rin ng tubig ang ilang mga bahay.
Ayon kay Villarante, biglaan ang pagbuhos ng ulan na may kasamang kulog at kidlat.
Vohn Villarante
Sabi ng PAGASA, low pressure area (LPA) ang naging dahilan ng pag-ulan sa lugar.
Binabantayan ito ng PAGASA dahil hihila ito ng Southwest Monsoon o Habagat na magpapaulan sa malaking bahagi ng bansa.
--ulat ni Sharon Evite at Ranulfo Docdocan
KAUGNAY NA VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.