Nauwi sa trahedya ang masaya sanang pagbabalik ng inaabangang fluvial parade sa Apalit, Pampanga nitong Martes.
Ilang deboto kasi na sakay ng mga bangka sa parada sa ilog ang nakuryente matapos aksidenteng tumama ang pole ng kanilang banderitas sa grid line ng National Grid Corporation of the Philippines.
"May mataas na flagpole, parang pinagsabitan ng flag, yung isang bangka natin na umabot doon sa gilid na nasa kuryente sila sa NGCP Grid line natin. Parang nalipat po yung kuryente dun sa bakal na lalagyan nung flag nila, eh yung mga tao basa din po, at yung pole diretso sa bangka basa sila lahat, yun po ang nag-cause ng pagkakuryente ng ating mga pasahero," ani Apalit acting police chief Lt. Col. Jose Chalmar Gundaya.
Anim ang kaagad na isinugod sa ospital. Ang dalawa sa kanila, hindi na umabot pa ng buhay at dalawa naman ang sugatan.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng isa sa mga namatay sa pagkakuryente, habang ang pamilya naman ng isa pang namatay na biktima, abot-langit ang paghihinagpis.
Libu-libong mga deboto ang dumagsa ika-177 taon ng fluvial parade o "Libad Ilug" ng Apung Iru lalot 2 taon itong ipinatigil dahil sa banta ng COVID-19.
Ngayong taon nasa 2,000 bangka ang sumali sa parada.
Paalala ng mga awtoridad, sa kabila ng kasiyahan para sa kapistahan, magdobl- ingat parin at huwag isaalang-alang ang kaligtasan ng sarili at ng mga kasamahan.
-- Ulat ni Gracie Rutao
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.