PatrolPH

Occidental Mindoro umaapela ng dagdag na COVID-19 vaccine

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2021 02:52 PM

Umaapela ang provincial government ng Occidental Mindoro sa national government para sa dagdag na supply ng bakuna kontra COVID-19.

Ayon kay provincial health officer Dr. Ma. Teresa Tan, hindi sapat ang bakuna na dumadating sa kanilang probinsiya bagaman regular namang ang pag-deliver mula sa national government.

Sa ngayon, nagsisimula pa lang aniya ang pagbabakuna sa A3 o persons with comorbidities sa Occidental Mindoro, samantalang hanggang A5 o indigent population na ang pinapayagang maturukan ng mga bakuna.

Marami ring gustong magpabakuna pero hindi mapagbigyan dahil sa kakulangan ng supply, ani Tan.

"Hindi pa kasi covered lahat, or inadequate pa ang coverage sa senior... 'Yong mga work force kasi natin, nanghihingi na sila ng vaccinations," ani Tan.

Sa tala noong Hunyo 25, nasa 5,597 na ang nabigyan ng 2 dose ng COVID-19 vaccines sa Occidental Mindoro habang 16,306 first doses naman ang naiturokan.

May 184 active COVID-19 cases naman umano ang probinsiya.

Nauna nang sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez, Jr. na dadagdagan ang supply ng bakunang ipinadadala sa mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19.

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.