PatrolPH

Transport group duda sa balik-operasyon ng mga traditional jeep

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2020 04:02 PM | Updated as of Jun 28 2020 07:53 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Binobola-bola at pinaiikot-ikot lang ang mga jeepney driver.

Ito ang paniniwala ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) sa pangako ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na papayagan na ang pagbabalik-operasyon ng mga traditional jeepney sa Metro Manila ngayong linggo.

Sa online media forum ngayong Linggo, sinabi ni ACTO National President Efren de Luna na hindi siya kumbinsido sa mga naunang pahayag ni LTFRB Chairman Martin Delgra, at nakikita niya na phase out din talaga ang patutunguhan ng mga lumang jeep.

“Kung sinasabi ni Delgra na palalabasin na ang traditional jeepney sa susunod na linggo ay palagay ko, 45 percent lamang iyon dahil mas marami ang sinasabi niya ay puro kasinungalingan,” ani De Luna.

Para kay De Luna, “style Hitler” ang ginagawa ng LTFRB at Department of Transportation sa mga jeepney driver na nililinlang para kagatin ang modern unit na nasa P2 million ang halaga.

“Ganyan ang style Hitler -- Sinasabing hindi ka tatanggalin pero ang katotohanan, tatanggalin ka pa rin,” ani De Luna.

Ayon kay De Luna, payag naman silang sumailalim sa modernization program pero meron namang unit na mas mababa ang presyo at gawang Pinoy pa.

“Willing kami na unti-unting alisin ang mga traditional jeep at papalitan namin ng modern jeep na mura ang halaga: P1.3 million,” ani De Luna. “Makikinabang pa ’yung mga pagawaan natin katulad ng Sarao, etcetera. Buhayin natin ’yan. Huwag ’yung gawang China na ang halaga ay P2.5 million. Anong hiwaga ang meron kayo?”

Nakikiusap si De Luna sa gobyerno na alalayan muna ang mga jeepney driver sa panahon ng krisis sa ekonomiya dala ng COVID-19 pandemic, at huwag munang ipilit ang modernization program.

“Magkaroon muna tayo ng win-win solution. Isantabi muna natin ’yan (modernization program), at diyan din naman tayo pupunta. Habang may pandemic pa, pakinggan muna natin ’yung sikmura ng ating mga driver kasi milyon ang mawawalan ng hanapbuhay, isasama mo pa kaming mga driver na halos kalahati o isang milyon din ’yan,” ani De Luna.

Nagbanta si De Luna nang malawakang transport protest, kabilang ang pagbabalagbag sa kalsada at pagsusunog ng mga jeep, kung hindi tutugunan ng gobyerno ang hinaing ng mga tsuper.

Nahinto ang biyahe ng mga lumang jeep mula noong Marso nang ipatigil ang pampublikong transportasyon dahil sa lockdown measures, na ipinatupad para makontrol ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.