Sa halip na food packs, mga libro, pangkulay, lapis, papel at iba pang learning materials ang dala sa pag-iikot ng Sangguniang Kabataan (SK) officials sa Barangay Ilayang Palina sa Liliw, Laguna.
Ipinagagamit ang mga materyales sa mga batang nasa kindergarten hanggang Grade 3 na tinuturuan ng mga SK official habang bawal pang lumabas dahil sa banta ng coronavirus.
Kasali sa programang "Quaranteach" si Arshan Agapay, na malaki umano ang pasasalamat na natututo pa rin kahit wala sa paaralan.
"Masaya po ako at salamat po sa SK at salamat din po dahil nagtiya-tiyaga po kayo," ani Agapaya.
Bentahe rin umano sa mga magulang ang programa.
Bukod kasi sa nakatutuok na sila sa paghahanapbuhay, nailalayo pa umano nito sa gadget at pagbababad sa telebisyon ang kanilang mga anak.
"Gawa po ngayon na hindi pa po makakapasok ang anak ko, gawa nga po ng COVID na 'yon, maganda po sa anak ko na matuto sa ganitong programa po," sabi ng isang magulang ng batang natuturuan ng "Quaranteach."
Nasa higit 50 bata na ang natutulungan ng programa, na nag-umpisa noong Miyerkoles. Target na maserbisyuhan ang nasa 400 bata sa lugar.
"Umisip po kami ng paraan kahit wala pong pasok 'yong mga bata, magkaroon po ng way para makapagturo po," ani Camile Platero, SK chairman sa Barangay Ilayang Palina.
Taong 2018 pa umano naisip nila Platero ang programa at noong nakaraang taon sila nagsimulang mangolekta ng mga learning material.
Ginagamit din ng grupo ang mga materyales na nada-download sa learning platform ng Department of Education.
May volunteers na rin na nakiisa sa programa.
Bukas din ang "Quaranteach" sa mga donasyon.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Quaranteach, Liliw, Laguna, rehiyon, regional news, education, Sangguniang Kabataan