Baguio bishop tutol sa pagputol ng mga puno sa lungsod

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2020 01:09 PM

Pinuputol ang mga puno sa Outlook Drive, Baguio City para bigyang-daan ang pagpapatayo ng gusali ng Vista Residences. Retrato mula kay Jaja Marquez

Nagpahayag ng pagtutol nitong Sabado ang Diocese of Baguio sa anila'y patuloy na pagpatay sa mga puno sa lungsod kasunod ng naiulat na pagputol sa 54 na puno sa Outlook Drive para bigyang-daan ang pagtatayo ng gusali ng isang real estate developer.

"The Diocese of Baguio strongly opposes and considers as unacceptable the continuing mass killing of full grown and healthy trees," sabi ni Baguio Bishop Victor Bendico sa isang pahayag.

Ayon kay Bendico, ang pagputol sa mga buno ay labag sa doktrina ng Simbahang Katoliko ukol sa pangangalaga sa kalikasan.

May kapangyarihan naman ang tao na maisalba ang kalikasan kung ito ay kaniyang nanaisin, sabi ng obispo.

Ang pagputol sa mga puno sa Outlook Drive ay pagbabalewala rin sa mga ginawa ni Bishop Emeritus Carlito Cenzon, isang religious leader na lumaban para mapangalagaan ang mga pine tree ng Baguio.

Ayon kay Bendico, suportado nila ang ibang mga ikinakasang petisyon laban sa pamumutol ng mga puno.

Suportado rin ng Diocese of Baguio ang isinusulong na moratorium ni Mayor Benjamin Magalong sa pamumutol ng mga puno.

Noong Hunyo 24, nag-post sa social media ang residenteng si Jaja Marquez ng mga video at retrato ng mga punong pinutol sa Outlook Drive, na tatayuan ng gusali ng Vista Residences.

Nauna nang sinabi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na dumaan sa tama at mahigpit na proseso ang pagkuha ng mga dokumento ng kompanya.

Hindi masabi ng DENR kung naputol na ang lahat ng 54 na puno.

Ipinag-utos naman ni Magalong na gawing 200 puno sa halip na 100 ang ipapalit sa kada isang pinutol.

Sinubukan ng ABS-CBN News na humingi ng pahayag sa Vista Residences sa pamamagitan ni Engr. Ferdinand Salcedo, pero hindi pa ito sumasagot hanggang sa paglalathala ng ulat na ito.

Ang Vista Residences ay condominium development arm ng property developer na Vista Land, kung saan si dating Sen. Manny Villar ang Chairman of the Board. -- Ulat ni Maira Wallis, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.