980 UV Express balik-pasada sa Metro Manila, karatig-lalawigan simula Lunes

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2020 05:16 PM | Updated as of Jun 28 2020 05:18 PM

Handa na para sa muling pamamasada simula Lunes ang mga UV Express na naka-terminal sa Ayala Center sa Makati.

Bawat van ay may plastic o acrylic sheet sa pagitan ng driver at pasahero. Bawat driver naman ay may thermal gun, at supply ng alcohol, gloves, face mask at face shield.

"Pati ang terminal namin nakahanda na," ani Rizalino Villaraza, pangulo ng Federation of Ayala Center Transport Terminal Inc.

"Fare collection namin is semi-cashless. Bawat ruta may lamesa [kung] saan ka magbabayad before boarding the unit," aniya.

"Willing din kami gumamit ng tap cards," dagdag niya.

Nasa 980 UV Express muna ang papayagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na bumiyahe sa 47 ruta papasok at palabas ng Metro Manila.

Kabilang sa mga ito ang ruta mula Marilao, Meycauayan, at Bocaue sa Bulacan papuntang Quezon City.

Kasama rin ang ilang ruta mula Rizal, Cavite at Laguna papunta sa iba-ibang lungsod ng Kamaynilaan.

Pero umapela ang mga operator na sana ay payagan na rin ang pagbiyahe sa mga ruta sa loob mismo ng Metro Manila dahil mas kailangan umano ito ng mga manggagawa.

Dahil bawas na ang bilang ng mga maisasakay na pasahero, lugi raw ang kanilang pasada.

Kaya nanawagan ang mga operator sa gobyerno ng subsidiya.

"Bigyan kami ng subsidiya, ng card na maging tax-free ang fuel. Ang toll fee sana may subsidiya rin," ani Villaraza.

Ayon sa mga operator at driver, handa silang tulungang maibsan ang hirap ng mga commuter kaya sana sila rin daw ay tulungan ng pamahalaan. 

Natigil noong Marso ang public transportation dahil sa lockdown measures, na ipinatupad para makontrol ang pagkalat ng COVID-19. -- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.